Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkasawi ng isang overseas Filipino worker na unang napaulat na nawawala matapos ang magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar noong March 28.
Ayon kay DFA Usec. Eduardo de Vega, positibong kinilala ang bangkay ng OFW na si Francis Aragon, kagabi.
Idinagdag ni de Vega na bilang respeto para sa privacy ng pamilyang nagluluksa ngayon, ay hindi muna sila magbibigay ng karagdagang impormasyon.
Tiniyak naman ng DFA na magpapatuloy ang kanilang trabaho at umaasa pa rin ng magandang resulta para tatlo pang Pinoy na hindi pa rin natatagpuan matapos ang malakas na pagyanig sa Myanmar.