Umaasa si Sen. Risa Hontiveros na magsisilbing babala sa mga opisyal ng gobyerno ang naging kautusan ng Ombudsman na sampahan ng kasong katiwalian sina dating PS-DBM Usec. Lloyd Christopher Lao at dating Health Sec. Francisco Duque III.
Sinabi ni Hontiveros na hindi nauwi sa wala ang mga imbestigasyon ng Senado at naging mabunga anya ang inihain nilang reklamo laban sa mga sangkot sa sinasabing Pharmally scandal.
Kaugnay nito, nagpasalamat si Hontiveros sa Ombudsman sa pag-aksyon sa mga rekomendasyon ng Senado lalo na ang mga kasong may kinalaman sa misappropriation of public funds at mga anomalya sa procurement.
Pinakamahalaga anya ay maituturing na tagumpay ng publiko ang naging desisyon ng Ombudsman laban sa mga nang-abuso sa pera ng bayan.
Ito anya ay para sa mamamayang naghirap at nagkasya lang sa limitadong ayuda noong pandemya, lalo’t higit sa mga healthcare workers na nagtiis sa delayed na special allowance at hazard pay habang nagkakamal ng bilyung-bilyong piso ang mga pinaborang kumpanya gaya ng Pharmally.