dzme1530.ph

Pagkakasangkot ni suspended Cong. Arnie Teves sa online sabong, dininig sa senado

Nabuksan din ang pagdinig ng Senado sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at ang usapin ng online sabong na kinasasangkutan din ni suspended Cong. Arnie Teves.

Sa pahayag ni Pamplona Mayor Janice Degamo, may bahay ng pinaslang na gobernador, mabigat ang kanilang kalaban dahil pina-iiral ang kapangyarihan ng salapi mula sa operasyon ng online sabong at STL.

Sinegundahan ito ni Siaton Mayor Fritz Diaz na nagsabing hindi naman natigil ang operasyon ng online sabong sa kanilang lalawigan at maging sa iba pang probinsya na inooperate ni Teves kasama rin si dating Cong. Henry Pryde Teves.

Tuloy-tuloy aniya ang operasyon dahil hawak ng mga ito ang ilang pulis at NBI na nakikinabang din sa illegal gambling.

Bilang patunay, isang video footage ang ipinakita ni Diaz, makikitang nagsasayaw ang mga pulis.

Sa paglalarawan ni Diaz ang video ay kuha sa birthday party ni Cong. Arnie kung saan obligado ang mga pulis na sumayaw dahil kung hindi ay ililipat sila ng destinasyon.

Samantala, itinanggi naman ni Henry Teves ang alegasyon laban sa kanya kaugnay sa online sabong.

Sinabi ni Henry na nagbigay na siya ng bank waiver upang busisiin ang kanyang assets at makita kung bigla bang lumobo ang kanyang yaman.

Agad naman itong sinagot ni Diaz at sinabing hindi man nakikita sa lifestyle ng mga Teves ang biglaang pagyaman ay kita naman ito sa mga taong nakapaligid sa kanya.

Inihalimbawa ni Diaz ang isang photographer ng mga Teves na biglang naging campaign manager nang kumandidato si Henry bilang gobernador.

Iginiit ni Diaz na dapat tignan din sa pagsisiyasat ang mga dummy accounts ng mga Teves. —sa ulat ni Dang Garcia

About The Author