Itinanggi ni National Security Adviser Eduardo Año ang kumakalat na impormasyon na kasama siya sa nagplano sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11.
Ipinaliwanag ni Año na bilang dating miyembro ng gabinete ng Duterte Administration ay mahirap para sa kanya na makitang inaaresto ang dating Pangulo.
Binigyang-diin ng kalihim na wala siyang alam na mayroong core group na sinasabing nagplano sa pag-aresto kay Duterte, at bilang National Security Adviser, limitado ang kanyang papel sa pag-assess sa sitwasyon.
Tinawag din ng kalihim na unfair na nadadamay ang kanyang pangalan sa isang grand conspiracy.
Kinuwestyon din ni Sen. Imee Marcos si DILG Sec. Jonvic Remulla kung bakit sa isang interview sinabi niyang kasama sa nagplano si Sec. Año, Defense Sec. Gilberto Teodoro at PNP Chief Francisco Marbil.
Pero nilinaw ni Sec. Remulla na walang pagpaplano na ginawa at walang group effort dahil pare-parehas nilang nalaman ang ICC warrant noong March 11 alas-3:00 ng madaling-araw.