dzme1530.ph

Pagkakaroon pa rin ng malawakang konsultasyon sa PUVMP, iginiit

Nanawagan si Senate Committee on Cooperatives Chairperson Imee Marcos sa gobyerno na magsagawa pa rin ng pangkalahatang diskusyon at konsultasyon sa lahat ng stakeholders ng PUV modernization program.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na wala ng extension sa itinakdang deadline na April 30 para sa PUV consolidation.

Bagamat nagpahayag ng pasasalamat ang Senadora sa kanyang kapatid sa pagdaraos ng transport summit kinakailangan pa rin aniyang kausapin ang mga tsuper, estudyante, konsyumer at mga maaapektuhan sa programang modernisasyon.

Bukod dito, naniniwala ang mambabatas na kaya napupurnada ang programa ay dahil hindi pa ganap na nasosolusyunan ang mga isyu ng transport sectors dahil sa pondo ng modernong jeepney at membership requirement ng transport cooperatives.

Una nang naghain si Marcos ng resolusyon upang dinggin ang usapin patungkol sa pagpapatupad ng PUV modernization program.

Sa kanyang senate resolution 893, binigyang-diin ng senador na kailangan nang tama at masusing assessment ng programa.

Kailangan aniyang bigyang pansin ang nakaaalarmang bilang ng mga PUV na hindi nakasunod sa consolidation para hindi maapektuhan ang mga komyuter at ang public transportation sa Pilipinas.

About The Author