Nananatiling nakatutok ang administrasyon sa pagkakamit ng single-digit poverty rate sa pamamagitan ng paglikha ng mas marami pang dekalidad na trabaho.
Ito ay kasunod ng bumabang unemployment rate para sa buwan ng Marso kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, batay sa pinaka-bagong labor force survey ng Philippine Statistics Authority.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), patuloy na tututukan ang paglikha ng high-quality at well-paying o mga trabahong may disenteng sweldo, upang matugunan ang mga umuusbong na isyu sa vulnerable employment.
Isusulong din ang paghikayat ng job-generating investments mula sa pribadong sektor, at pagpapaigting ng social at physical infrastructure.
Magiging kaakibat ito ng reskilling at upskilling programs upang mapataas ang employability o tyansa ng mga Pilipino na makuha sa trabaho.
Kaugnay dito, sinabi ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na pina-plano ng gobyernong makipagtulungan sa pribadong sektor upang mapagyaman ang training programs sa mga manggagawa at employers, sa pamamagitan ng integrated courses sa mga mekanismong magpapalakas ng productivity tulad ng Data Science, Analytics, at Artificial Intelligence.