Panahon na upang bigyan ng tamang kompensasyon ang Barangay Health Workers (BHWs).
Ito ang pahayag ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang pagsuporta sa inaprubahang Magna Carta for Barangay Health Workers.
Sinabi ni Cayetano na bilang frontliners ng primary healthcare system ng bansa, nararapat lamang na bigyan ng sapat na insentibo, benepisyo at kompensasyon ang mga BHWs bunsod ng kanilang sakripisyo para sa kalusugan ang pamayanan.
Ipinaalala pa ng senador na noong panahon ng COVID-19 pandemic, ang mga Barangay Health Workers ang agad na rumeresponde at nagsilbing tulay ng komunikasyon sa pagitan ng health centers at mamamayan.
Tiwala si Cayetano na hindi imposible ang pagkakaloob ng sapat na kompensasyon sa mga barangay health workers dahil nasimulan na rin nila sa Taguig City ang pagkakaloob ng mga insentibo at benepisyo.
Iginiit ng senador na ang mga barangay health workers ay backbone para sa episyenteng pagpapatupad ng overall health system ng bansa kaya’t dapat din silang alagaan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News