Pinaalalahanan ni Sen. Christopher “Bong” Go ang health officials na huwag haluan ng pamumulitika ang pagkakaloob ng medical assistance at health services.
Sa gitna ito ng pahayag ng Private Hospitals Association of the Philippines kaugnay sa delayed payments sa ilalim ng Medical Assistance to Indigents and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program dahil sa pagkatalo ng ilang pulitiko.
Tanong ni Go kung bakit kailangang haluan ng pulitika ang pagtulong sa mga kababayan kasabay ng paalala sa DOH na huwag gamitin ang medical assistance sa pulitika.
Iginiit ng senador na karapatan ng bawat Pilipino ang tulong mula sa gobyerno lalo na’t pera rin ng taumbayan ang ginagastos dito.
Sa pahayag ng Department of Health, kabuuang ₱41-B ang inilaan sa MAIFIP sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi dapat magsakripisyo ang mga indigent patients sa tagal ng burukrasya sa bansa kasabay ng paalala sa mga opisyal ng pamahalaan na obligasyon nilang magkaloob ng accessible at affordable healthcare services sa bawat Pilipino.