dzme1530.ph

Pagiging permanente ng OFW hospital, isinusulong sa Senado

Isinusulong ni Senador Christopher “Bong” Go ang panukalang institusyonalisasyon ng Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital sa San Fernando City, Pampanga.

Sa kanyang Senate Bill No. 2297, target ni Go na matiyak ang long-term operations ng pagamutan para matugunan ang pangangailangang medikal ng mga OFWs at kanilang pamilya.

Binigyang-diin ni Go na ang pagtatatag ng OFW Hospital ay hindi lamang pagtupad sa kanyang pangarap kundi pagtugon sa kanyang commitment o pangako sa taumbayan bukod pa sa pagkilala sa kahalagahan ng mga OFW.

Nakasaad din sa panukala ang pagtiyak na magiging permanente na ang OFW Hospital at mapopondohan ang mga pangangailangang kagamitan, tauhan at iba pang medical supplies.

Nagsimula ang operasyon ng ospital na may 100 bed capacity noong May 2022.

Layon din nitong pangunahan ang mga research initiatives para sa prevention, care, at treatment ng occupational diseases na kadalasang nagiging problema ng mga OFWs. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author