Isinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagiging kritikal ng mga kawani ng media sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa ika-50 Anibersaryo ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), inihayag ng Pangulo na kaisa siya sa opinyon na mas makakabuti sa national interest ang critical press sa halip na cooperative press.
Sinabi pa ni Marcos na hindi tulad ng mga nagdaang administrasyon, hindi siya nagsusulong ng kolaborasyon dahil maituturing itong pagsusuko ng independence o kalayaan ng media.
Siniguro rin ng Pangulo ang pag-protekta sa kapakanan at buhay ng mga mamamahayag, sa tulong na rin ng Presidential Task Force on Media Security.
Iginiit ni Marcos na walang dapat humarang sa media sa pagpapalaganap ng katotohanan sa harap na rin ng talamak na disinformation, at tiniyak din nito na bahagi ng kanyang tungkulin ang ipagtanggol ang press freedom.