Itinanggi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ginamit niya ang pamumuno sa Senate Blue Ribbon Committee upang makuha ang suporta ng mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong Senate leadership.
Ipinagtanggol din ni Escudero ang desisyon ng Senado na italaga si Sen. Rodante Marcoleta bilang chairman ng naturang komite. Aniya, bagama’t baguhan si Marcoleta sa Senado, hindi na ito bago sa paggawa ng batas
Giit ni Escudero, matagal na niyang nakatrabaho si Marcoleta na isa ring abogado, at kumpiyansa siyang magiging maayos ang pamumuno nito sa Blue Ribbon.
Dagdag pa ng Senate President, hindi makatarungang maliitin ang kakayahan ng mga bagong halal o mas batang mambabatas. Aniya, hindi rin awtomatikong mas may kapasidad ang senior senators.
Ipinunto rin ni Escudero na ang mga itinalagang chairman sa iba’t ibang komite ay batay sa adbokasiya at kakayahan ng bawat senador, gaya nina Senators Kiko Pangilinan at Bam Aquino na nabigyan ng mga kumiteng tugma sa kanilang plataporma.