Hindi sapat ang paghingi ng “sorry” ng Meralco sa panibagong power outage sa paliparan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 dahil sa kapabayaan.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan, nakakadismaya na dahil lang sa procedural lapse o kapalpakan ng isang tauhan ng Meralco, naparalisa uli ang Terminal-3.
Ipinaalala ni Yamsuan sa Meralco na hindi sila ordinaryong power distributor lang sa NAIA dahil may kontrata silang pinirmahan na pwedeng balikan para sila ay papanagutin.
Ang Meralco ay wala umanong karapatan na maging relax dahil nakataya sa kanilang serbisyo ang “public interest.
Dagdag pa ng mambabatas, sa hearing kung saan pinaharap ang matataas na opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA), sinabon sila ng mga kongresista, subalit sa pagkakataong ito, hindi aniya sapat ang “sorry” ng Meralco lalo pa at inamin nila ang kapalpakan. —sa ulat ni Ed Sarto, DZME News