Magiging karagdagang ebidensya lamang ang pagkakatagpo sa mga bangkay ng mga nawawalang sabungero na umano’y ibinaon sa Taal Lake, Batangas, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano, na sapat na ang mga larawan at video ng pagpatay upang patunayan ang krimen at mapanagot ang mga sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Una nang ibinunyag ni whistleblower Julie ‘Dondon’ Patidongan na nakatanggap siya ng mga litrato at video na nagpapakita ng aktwal na proseso ng pagpatay.
Bagama’t hindi ganap na kinakailangan ang paghanap sa mga katawan upang maisulong ang kaso, tiniyak ni Clavano na sisikapin pa rin ng DOJ na matunton ang mga ito upang maibigay ang hustisya sa pamilya ng mga biktima.