dzme1530.ph

Paghahain ng economic Cha-cha sa Kamara, welcome development para kay Sen. Angara

Magandang hakbang para kay Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Sonny Angara ang pagsusulong ng Resolution of Both Houses no. 7 sa Kamara.

Sinabi ni Angara na nangangahulugan ito na iisa ang direksyon ng Senado at Kamara sa pag-amyenda ng economic provisions sa saligang batas.

Idinagdag pa ng senador na mas makabubuting tutukan ng mga kongresista ang pagtalakay sa resolusyon sa halip na araw-araw na magprescon upang batikusin ang mga senador.

Ipinaliwanag ni Angara na kahit nakipagkasundo ang Kamara sa Senado na iaadopt ang bubuuin nilang  pagbabago sa konstitusyon ay kinakailangan ding magpasa ng sarili nilang resolusyon ang mga kongresista.

Kung magiging magkaiba anya ang bersyon ng dalawang kapulungan ay kinakailangan nilang magkaroon ng bicam conference committee meeting subalit balak anya nilang kausapin ang mga kongresista bago nila isapinal ang RBH no. 6.

Ang pinakamahalaga anya ay naninindigan ang mga senador na kailangan ng magkahiwalay na pagboto ang mga Kamara at Senado para sa charter change.

About The Author