Kinwestyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggigiit ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ Founder Pastor Apollo Quiboloy na kusa itong sumuko sa mga awtoridad.
Sa ambush interview sa Taguig City, inihayag ng Pangulo na sa pagkaka-alam niya, ang pagsuko ay ang kusang pagtutungo sa isang police station o iba pang official authorities.
Hindi umano ito tulad ng nangyari kay Quiboloy na napilitan nang lumantad dahil malapit na siyang matimbog ng mga pulis.
Sa kabila nito, bahagya pa ring pinuri ng Pangulo ang desisyon ni Quiboloy na magpahuli na para sa kapakanan ng kanyang mga tagasunod na handa umanong magpakamatay para sa kanya.
Binati rin ni Marcos ang pulisya sa pangunguna para sa matagumpay na pagkakahuli kay Quiboloy. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News