Muling nanawagan si Sen. Nancy Binay sa Philippine Retirement Authority (PRA) na masusing suriin ang visa applications kasunod ng ulat ng Immigration officials na ginagamit ng “Chinese mafia” ang mga pasaporte na may special resident retiree visas (SRRV).
Una nang inanunsyo ng Bureau of Immigration ang pagkakaaresto sa apat na Chinese nationals na hinihinalang nasa likod ng nagkalat na fraudulently-acquired government-issued IDs at iba pang dokumento kabilang na ang genuine Philippine passports na may kuwestiyonableng SRRVs.
Sinabi ni Binay na nakakabahala na ang ganitong sistema dahil labas-pasok ang mga dayuhan sa bansa gamit ang valid documents.
Binigyang-diin ni Binay na matagal nang naabuso ang pagpapalabas at renewal ng special resident retiree visas na maaaring ginagamit ng Chinese syndicates.
Dapat anyang mayroong security measures at dapat higpitan ang vetting process ng mga aplikasyon.
Noong nakaraang taon, naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang isang opisyal ng PRA dahil sa pag-iisyu ng unwarranted SRRV cards sa mga dayuhan.
Sa record ng PRA, nasa 78,000 ang foreign retirees sa bansa kasama ang 30,000 Chinese “retirees” na binigyan ng permanent residency sa bansa.