Nagpahayag ng pangamba si SAGIP Partylist Representative Rodante Marcoleta na malalabag ang Automated Election Law ng bansa kung hahayaan ng Commission on Elections (COMELEC) na gamitin ng Miru Systems ang ‘Two-systems-in-one’ sa 2025 Midterm Elections.
Sa hearing ng Committee on Suffrage and Electoral Reform, binangit nito na gagamitin ng Miru sa unang pagkakataon ang kombinasyon ng Optical Mark Reader (OMR) at Direct Recording Electronic (DRE) Automated Counting Machines.
Punto ni Marcoleta, ni minsan ay hindi pa ito nagamit o nasubok ng Miru saan mang lugar.
Kailangan aniyang subukan muna at maipakita ng Miru ang kahusayan ng sistema.
Kung hahayaan umano ng COMELEC ang Miru na i-apply sa 2025 midter poll ang two-systems-in-one ng walang patunay na nasubok na ito kahit saan, malinaw na paglabag ito sa Automated Election Law.
Matatandaan na pumirma na ang COMELEC at South Korean firm Miru sa isang kontrata bilang partner sa 2025 Automated Elections sa halagang 18-billion pesos.