![]()
Nagbabala si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito hinggil sa umano’y lumalalang “weaponization” ng Letters of Authority (LOA) sa Bureau of Internal Revenue (BIR), na aniya’y ginagamit bilang kasangkapan ng panggigipit at katiwalian.
Sinabi ni Ejercito na ilang foreign chambers at diplomatic partners ang nagpahayag ng pagkabahala sa tila pag-abuso sa pag-iisyu ng LOA.
Idinagdag ng senador na kung hindi ito agad maayos, maaaring lumikha ng “atmosphere of uncertainty” para sa mga negosyo at magdulot ng impresyon ng “unpredictability” o sobra-sobrang paggamit ng kapangyarihan sa tax administration.
Ilan sa mga natanggap na impormasyon ni Ejercito ang pag-iisyu ng LOA para sa mga taxable year na dati nang na-settle at bayad na; pagsasama-sama ng maraming taxable year sa iisang LOA; at isang tax assessment na umabot sa P100 milyon ang ibinaba sa P75 milyon matapos ang umano’y “settlement,” kasama pa ang tagubilin na “ayusin ang resibo.”
Ayon kay Ejercito, lalo pang bumababa ang atraksyon ng Pilipinas sa foreign direct investment (FDI) dahil sa mga ganitong gawi, na nagsisilbing “deterrent” para sa mga dayuhang negosyante na naghahanap ng katatagan at patas na pagpapatupad ng batas sa buwis.
Binigyang-diin din ng senador ang pangangailangang balansehin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng tax laws at ang pagpapanatili ng business environment na kaaya-aya sa mga mamumuhunan.
