Pinag-aaralan ng Korte Suprema na gumamit ng artificial intelligence (AI) sa pagbalangkas ng kanilang mga desisyon.
Ito ang binigyang-diin ni Court Admin. Raul Villanueva sa pagtalakay ng Senate finance subcommittee sa proposed ₱63.57 billion budget ng hudikatura para sa susunod na taon.
Pinaalalahanan naman ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe ang Korte Suprema na huwag palaging dumipende sa AI para sa kanilang desisyon dahil kailangan pa ring ikunsidera ang human side sa kanilang mga ruling.
Kaya naman tiniyak ni SC Associate Justice Mario Lopez na hindi sila totally dependent sa AI sa pagpapalabas ng kanilang mga desisyon.
Ipinaalala ni Lopez na ang mga Korte ay hindi lamang korte ng mga batas kundi korte rin ng pagkakapantay pantay.
Inihalimbawa pa ni Lopez ang pagsasagawa ng bar exams kung saan hindi epektibo ang AI.
Ipinaliwanag ni Lopez na may mga tanong sa Bar exams na hindi naman tama ang pagkakapaliwanag ng AI at napatunayang mas magaling pa rin ang utak ng tao. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News