Inalmahan ng ilang opisyal ng Sandatahang Lakas ang paggamit ni Vice Pres. Sara Duterte sa kanilang sertipikasyon para i-liquidate ang ₱15-M na pondo mula sa confidential funds ng Department of Education (DepEd).
Sa hearing kahapon ng House Blue Ribbon panel, sinabi nina retired Maj. Gen. Adonis Bajao, Lt. Col. Carlos Sangdaan, Jr., Col. Manaros Boransing at Col. Magtanggol Panopio na kung alam lamang nila na sa ganito gagamitin ang sertipikasyon ay hindi na sana sila nag isyu.
Sa pagbusisi ni Bukidnon Cong. Keith Flores, inamin ng apat na opisyal na humingi ng sertipikasyon ang DepEd sa AFP kaugnay sa isinagawang Youth Leadership Summit/YLS, isang regular program ng AFP laban sa insurgency noong 2023.
Gayunman nilinaw ng AFP na sila ang gumastos sa aktibidad katuwang ang LGUs.
Sa mga dokumento na isinumite ng DepEd sa Commission on Audit (COA), kabilang dito ang certification ng AFP para bigyan katwiran ang paggastos sa ₱15-M confidential funds na ibinayad umano sa mga impormante.
Sinabi rin ni Boransing na patakaran ng AFP ang hindi pagbibigay ng certification sa ano mang aktibidad na ginastusan pero wala namang derektang kinalaman ang militar. —sa panulat ni Ed Sarto