Nakaatang na sa balikat ni Senate Committee on Finance chairperson Grace Poe ang pagdipensa sa panukalang budget ng Office of the Vice President para sa susunod na taon.
Ito ang tugon ni Senate President Francis Escudero nang tanungin kung ano ang magiging kapalaran ng panukalang budget ng OVP kasunod ng naging kontrobersiya ni Vice President Sara Duterte sa Kamara.
Ipinaalala ni Escudero na nauna nang inaprubahan ng Senate Finance Committee ang panukalang budget ng OVP.
Gayunman, nilinaw ni Escudero na hihintayin nila ang isusumite sa kanilang General Appropriations Bill ng Kamara na kanilang magiging batayan ng pagtalakay sa plenaryo ng Senado.
Pagdedebatehan anya ng mga senador kung papayag sa panukala ng Kamara o magdaragdag o magbabawas.
At sa pagtalakay anya nila ng panukalang budget ay hindi na tatalakayin ang mga isyung pinag-usapan sa kumite at depende na rin sa pagdipensa ni Poe ang magiging takbo ng pagtalakay. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News