dzme1530.ph

Pagdinig sa war on drugs ng Duterte administration, itinakda na ng Senado

Sisimulan na sa susunod na Lunes ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Subcommitee kaugnay sa war on drugs ng administrasyong Duterte

Itinakda ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ng alas-10 ng umaga sa October 28 ang hearing.

Target imbitahan sa pagdinig ang mga testigo sa sinasabing mga pag-abuso sa ipinatupad na giyera kontra illegal drugs ng Duterte administration.

Ayon kay Pimentel, kapag may testigo na nagdiin kay dating Pangulong Rodrigo Duterte saka nila ito ipapatawag.

Kahit pa aniya magboluntaryo ang dating pangulo na humarap sa senate hearing, sa takdang panahon pa rin nila ito papayagan na sumagot at magpaliwanag.

Ang mga planong imbitahan sa unang pagdinig ay sina dating PCSO General Manager Royina Garma na nagsiwalat ukol sa “reward system” para sa sinumang may maitutumba na drug suspect.

Gayundin ang jail warden ng Davao penal prison farm na nagsabing may basbas ni dating pangulong Duterte ang pagpatay sa mga nakakulong na Chinese drug lord.

Ngayong araw naman ipapadala ng blue ribbon subcommittee ang imbitasyon sa mga pahaharaping resource persons sa pagdinig sa Lunes. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author