Itinakda na ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang hearing kaugnay sa viral video ng road rage sa pagitan ng isang siklista at isang dating pulis.
Sinabi ni dela Rosa na ang pagdinig ay isasagawa sa Martes, September 5 na batay sa mga resolusyong inihain ng kanyang mga kapwa senador para sa pagsasagawa ng pagdinig.
Magkatuwang na inihain nina Senador Pia Cayetano at Senate President Migz Zubiri ang Senate resolution 763 para pa-imbestigahan sa Senado ang viral road rage incident.
Sa resolusyon, ihinayag ng dalawang senador na ang insidente ay may kinalaman sa paniniguro ng kaayusan at kaligtasan ng publiko, kung kaya’t hindi ito pwedeng basta aregluhin lamang o ipagsawalang-bahala ng mga awtoridad.
Iginiit din ng dalawang senador na may kinalaman ang road rage sa konsepto ng ‘road sharing,’ na kadalasan ay hindi sineseryoso ng mga motorista.
Sa ilalim ng konseptong ito, lahat anila ay may patas na karapatang gumamit ng mga pampublikong kalsada, kabilang ang mga pedestrian, commuters, siklista, motorcycle riders, at mga nagmamaneho ng four-wheeled vehicles.
Bilang panghuli, inihayag nina Cayetano at Zubiri na tungkuling itaguyod ng bansa ang Sustainable Development Goal 11 o ang Sustainable Cities and Communities.
Sa ilalin nito ay dapat siguruhin ng pamahalaan ang kaligtasan, inklusyon, at pag-unlad ng bawat miyembro ng lipunan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News