Useless na ang mga pagdinig kung hindi naman maibabalik sa bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni Sen. Christopher “Bong” Go sa kanyang opening statement sa pagdinig ng Senado kaugnay sa ligalidad ng pag-aresto sa dating Pangulo.
Sinabi ni Go na pangunahin niyang tanong ay kung paano at bakit tayo umabot sa sitwasyong pinayagang maaresto ang dating Pangulo at isinuko sa International Criminal Court.
Iginiit ng senador na mayroon tayong sariling batas at korte kaya’t nakapagtatakang pinayagan ng gobyerno na dakipin ang isang Pilipino sa sariling bayan.
Kung anuman aniya ang lumabas sa hearing, nasa The Netherlands na ang dating Pangulo at hindi rin siya tiyak kung ano pa ang maaaring gawin.
Binatikos din ni Go ang hindi pagpayag ng mga pulis na makapasok siya kasama ang doktor ng Pangulo sa Villamor Airbase nang inaresto ang dating Pangulo.
Binigyang-diin ng senador na marami nang karamdaman ang dating Pangulo at katunayan ay 27 piraso ang gamot na iniinom nito kada araw.
Hindi rin aniya niya matanggap na nililitis ang dating lider ng Pilipinas sa ibang bansa na wala namang hurisdiksyon sa atin kaya’t dapat anyang pinayagan din munang masuri ang validity ng arrest warrant.