Hiniling ni Senador Imee Marcos sa kaukulang kumite sa Senado na magsagawa ng pagdinig kaugnay sa epekto ng El Niño sa bansa at ang paulit-ulit na krisis sa tubig sa maraming lugar.
Sa kaniyang Senate Resolution 986, iginiit ni Marcos na dapat matukoy ng Senado ang sitwasyon ng bansa sa gitna ng pananalasa ng El Niño at ang madalas na kakulangan ng suplay ng tubig kahit na patuloy ang pagkilos ng gobyerno para matugunan ito.
Tinukoy sa resolusyon ang Clean Water Act na naglalaman ng mga programa ng gobyerno para sa ligtas, sapat at malinis na mapagkukunan ng tubig.
Matatandaan din anyang bumuo na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Task Force El Niño upang pangunahan ang pagbuo ng komprehensibong disaster preparedness at rehabilitation plan para sa El Niño at La Niña phenomenon para maibsan ang mapaminsalang epekto sa publiko.
Sa kabilang dako, inaprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang hiling na water rate hike ng Manila Water Company at Maynilad Water Services ngayong taon upang magawa ang mga proyekto sa tuluy-tuloy na suplay ng tubig.
Binanggit pa sa resolusyon na sa kabila ng mga hakbang na ito ng gobyerno ay patuloy pa ring nakakaranas ang bansa ng kakapusan sa suplay ng tubig dulot ng matinding epekto ng El Niño.