Tiniyak ni Senator Francis Tolentino na tugon sa 10-dash line map ng China ang ikakasang pagdinig ng Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty zones.
Pag-aaralan ng kumite ang mga panukalang inihain na naglalayong ma-institutionalize ang maritime zones ng bansa na magiging batayan sa sakop na teritoryo sa West Philippine Sea salig na rin sa International Law.
Ayon pa kay Tolentino, Chairman ng special committee, posibleng umabot ng hanggang limang pagdinig ang gagawin ng kumite dahil babalangkas ito ng sariling mapa ng Pilipinas.
Inimbitahan sa pagdinig ang mga resource person mula sa Beijing University upang malaman kung bakit inaangkin ng China ang ating teritoryo at uusisain din kung bakit gumawa sila ng 10-dash line map.
Kasama rin sa pinapaharap sa pagdinig si Gregory Poling, ang Director ng Southeast Asia Program and Asia Maritime Transparency Initiative ng Center for Strategic and International Studies gayundin ang mga kinatawan ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), mga satellite operators at ilang foreign experts sa nasabing usapin.
Hindi naman inimbitahan ang Ambassador ng China sa Pilipinas dahil hindi naman nito kabisado ang isyu at minabuti nilang padaluhin sa pagdinig ang mga eksperto na naglaan ng lima hanggang sampung taon tungkol sa usapin na ito.
Umaasa si Tolentino na ang Maritime Zone Law ang magpapatibay sa ating claims at susuporta sa desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea lalo’t wala pang batas ang Pilipinas para sa maritime zones.
Bukod sa West Philippine Sea, isasama rin sa maritime zones ng bansa ang Benham Rise na papapalitan ng pangalan na Talampas ng Pilipinas.
Bukod sa mga isla ay opisyal na ring papangalanan ang mga underwater features na sakop ng ating maritime zones. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News