Umarangkada na ang pagdinig ng senado sa insidente ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ang pagdinig ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change ay batay sa senate resolution ng mismong chairperson ng Kumite na si Senador Cynthia Villar at privilege speech ni Senador Francis Tolentino.
Sa simula ng hearing, sinabi ni Villar na batay sa report ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), kabuuang 13 marine protected areas at 61 tourist attractions sa Oriental Mindoro ang apektado ng insidente habang nasa 8 kilometro ng coastline sa Caluya sa Antique province.
Kasama rin sa mga apektado ang nasa 21,691 families o 107,232 individuals sa 117 barangays sa MIMAROPA habang 7,617 families o 26,259 katao sa Region 6.
Kinumpirma naman ni Tolentino na nasa isa hanggang limang taon ang aabutin bago tuluyang malinis ang epekto ng oil spill na ito kaya’t dapat matunton kung sino ang gagatos bukod pa sa pondong manggagaling sa Oil Pollution Compensation Act na galing naman sa insurance ng mga barko.
Batay sa batas sa bawat delivery ng oil bunker may 10 sentimo sa bawat litro na dapat maibigay sa compensation fund na pinangangasiwaan naman ng Maritime Industry Authority (MARINA).