Nilinaw ni Senate President Francis Chiz Escudero na ang kooperasyon ng Department of Public Works and Highways ang sadyang target ng public hearing ng Senate Committee on Accounts kaugnay sa itinatayong Senate Building sa Taguig City.
Sinabi ni Escudero na ipinatawag ni Sen. Alan Peter Cayetano ang DPWH upang mapwersang magbigay ng mga dokumento kaugnay sa gastos at gagastusin sa gusali.
Ipinaliwanag ng senate leader na ilang beses nang nanghingi ng dokumento si Cayetano sa DPWH subalit pinagpasa-pasahan pa siya at nagsumite lamang ng dokumento dalawang araw bago ang senate hearing.
May limang pulgada pa ang kapal ng papeles at may kasamang CD na kinakailangan pa ng computer na mayroon pang CD Drive.
Nilinaw din ng senate leader na kailangan nilang imbestigahan ang gastusin hindi para maghanap ng iregularidad kundi upang makagawa ng paraan na makatipid.
Sinabi ni Escudero na malaking bagay kung makakabawas pa ng ilang bilyon mula sa ₱10-B pang dagdag na gastusin.