dzme1530.ph

Pagdating ng isang US military aircraft sa Manila International Airport nang walang advisory, pinaiimbestigahan sa Senado

Pinaiimbestigahan ni Senador Imee Marcos ang pag-landing ng isang US Military aircraft sa Manila International Airport noong June 26.

Sa kanyang Senate Resolution 667, nais ni Marcos na magsagawa ng inquiry in aid of legislation ang kaukulang kumite kaugnay sa pagdating sa Manila International Airport ng Boeing C-17 strategic transport aircraft napag-aari ng US military.

Nakasaad sa resolusyon na dumating ang US Military Aircaft nang hindi man lamang nabigyan ng advisory ang Integrated Command and Control Center ng paliparan.

Sa beripikasyon naman ng tanggapan ng mambabatas sa Civil Aviation Authority of the Philippines, napag-alaman na nagpalabas ng advisory ang US Embassy sa Department of Foreign Affairs.

Lulan ng military aircraft ang siyam na military crew at isang pasahero mula sa Guam at patungong Puerto Princesa, Palawan.

Nais malaman ng senador kung bakit hindi nakarating sa Airport Integrated Command and Control Center ang advisory; Anu-ano dahilan ng paglanding pa ng military aircraft sa Manila International Airport gayung ang destinasyon nito ay sa Palawan; Bakit inabot ng 10 oras bago ito umalis papunta sa lalawigan; Ano ang kargamento ng aircraft; Gayundin ang pagkakakilanlan ng mga sakay nito. —-sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author