dzme1530.ph

Pagdaragdag ng renewable energy projects, isinusulong!

Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagkakaroon ng mas maraming renewable energy projects sa bansa upang mapababa ang halaga ng kuryente at matiyak ang sapat na suplay.

Sinabi ni Gatchalian na batay sa mga datos, malinaw ang benepisyo ng renewable energy dahil ito ang may pinakamababang generation cost.

Una nang inihain ng senador ang Senate Bill No.157 o ang Energy Transition Act para sa paglikha ng Energy Transition Plan upang makamit ang net zero emissions pagdating ng 2050 at alisin ang pagdepende ng bansa sa imported na langis.

Sinabi ni Gatchalian na habang nasa ‘energy transition’ ang bansa ay kailangang maghanap ng iba’t ibang mapagkukunan ng suplay ng enerhiya.

Inihain din ni Gatchalian ang Senate Bill 485 para pasiglahin ang pamumuhunan sa sektor ng renewable energy at naglalayong alisin ang 100-kilowatt na limitasyon sa generation facilities na lalahok sa net metering program.

Sa ilalim ng mga umiiral na batas, ang net metering ay nagbibigay-daan sa mga mayroong renewable energy facility na maglagay ng kuryente sa grid bilang kontribusyon nila sa tinatawag na common pool of power na ibabawas mula sa kanilang pagkonsumo. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author