“Prerogatibo ng sino mang opisyal ng pamahalaan ang pagdalo o hindi sa okasyon gaya ng State of the Nation Address o SONA.”-Romuladez
Iyan ang sinabi ni House Speaker Martin Romualdez ukol sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi ito dadalo sa SONA dahil itinatalaga nito ang sarili bilang “designated survivor.”
Gayunman ayon kay Romualdez, ang SONA ay magandang okasyon para ipakita ang pagkakaisa at kolaborasyon ng lahat ng mga namumuno sa pamahalaan.
Panahon din aniya ito para ibida ang mga natatamong tagumpay, solusyunan ang mga problema at mga pagsubok, at ibahagi ang mga plano o vision sa hinaharap.
May karapatan aniya ang taumbayan na makitang magkakasama at nagkakaisa ang mga pinili nitong lider para isulong ang kagalingan ng nakararami.
Ayon kay Romualdez, kung hindi man dumalo si VP Sara, handa naman ang Kamara na makipagtulungan sa National Government para masiguro na lilitaw sa SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ‘collective efforts’ ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng bawat Pilipino.