Suportado ng Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang pagdadala ng baril ng mga miyembro ng media.
Ito ang sinabi ng PNP chief sa isang ambush interview matapos pangunahan ang pagbubukas ng PNP Press Corps First Invitational Shootfest sa Camp Karingal, Quezon City ngayong umaga.
Ayon kay Acorda, mahalagang maprotektahan ng media ang kanilang sarili sa mga banta dulot ng kanilang propesyon na may responsableng pagdadala at paggamit ng baril.
Aniya, bibigyan ng PNP ng espesyal na akomodasyon ang mga miyembro ng media sa pagkuha ng mga kaukulang lisensya para makapagdala ng armas.
Titignan din ng PNP kung pwedeng ibaba ang fee sa Permit to Carry Firearms (PTC) para sa mga miyembro ng media upang maging ka-presyo ng fee sa mga tauhan ng gobyerno. —sa ulat ni Jay de Castro