Kinumpirma ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco na bukas sila sa posibilidad ng pagpapatupad ng total ban sa mga POGO sa bansa kasunod ng mga naiuulat na krimeng dulot nito.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Tengco na nakahanda silang sumuporta kung magpapasya ang Malacañang na palayasin na sa bansa ang mga POGO.
Ang tanging iniisip lamang anya nila ay ang posibleng mawawalang revenue mula sa POGO at ang trabaho para sa may 200,000 manggagawa nito.
Una nang inirekomenda ni Finance Secretary Ralph Recto sa Malakanyang ang pagpapatupad ng total ban sa mga POGO sa bansa na ikinatuwa naman ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, matagal na niyang inaadbokasiya ang total ban sa mga POGO hub dahil sa mga kaakibat nitong krimen tulad ng human at sex trafficking, serious illegal detention, money laundering, torture, at online scamming.
Sinabi ni Gatchalian na nakita naman sa imbestigasyon sa Senado ang mga hindi magagandang idinudulot ng mga POGO kaya patuloy ang kanyang panawagan sa lahat ng stakeholders na magkaisa para isulong ang pagpapalayas sa mga POGO sa bansa.