Malinaw para kay Senador Sherwin Gatchalian may pananagutan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ang Bamban City Local Government sa ni-raid na POGO hub sa lugar.
Ipinaalala ni Gatchalian na mandato ng PAGCOR na pangasiwaan ang gaming industry at mayroon itong tanggapan sa Bamban kaya’t imposibleng hindi nila na namonitor ang halos isanlibong empleyado ng Zun Yuan na walang mga dokumento.
Malinaw anyang may failure of regulation ang PAGCOR makaraang mabigong bantayan ang POGO hub.
Imposible rin anyang hindi nakita ng lokal na pamahalaan na pinamumunuan ni Mayor Alice Guo ang operasyon ng POGO hub.
Binigyang-diin ng senador na maliit lamang ang munisipalidad ng Bamban kaya’t hindi maaaring hindi makita ang malaking development sa lugar bukod pa sa ang lokasyon nito ay sa likod lamang ng munisipyo.
Dahil dito, hindi aniya dapat magturuan ang dalawang ahensya sa kung sino ang may tunay na pananagutan sa ni-raid na POGO hub.