Naniniwala si Sen. Panfilo Lacson na mas mapapadali ang pagbusisi ng Senado sa 2025 national budget matapos ang direktiba ng Pangulo hinggil sa flood control projects.
Ani Lacson, pinakamalakas ang kanyang palakpak nang banggitin ng Pangulo sa SONA ang mga isyung may kinalaman sa flood control at ang utos na ito ay i-review at i-audit. Mas natuwa pa umano ito nang sabihin ng Pangulo na ibabalik sa Kongreso ang anumang budget bill na hindi tugma sa national expenditure program.
Ayon naman kay Senate Minority Leader Tito Sotto, dapat maghanda ang mga mambabatas na mahilig sa insertions, kasabay ng pagtutok ng Senado sa pagsasaayos ng pambansang pondo.
Suportado ni Sen. Erwin Tulfo ang pahayag ng Pangulo na papanagutin ang mga taong yumaman kapalit ng paghihirap ng mamamayan.
Giit ni Sen. JV Ejercito, bagama’t may direktiba na mula sa Pangulo, ang pagpapanagot sa mga sangkot sa iregularidad sa flood control projects ay nakasalalay pa rin sa Department of Public Works and Highways. Dapat aniya tiyakin ng DPWH na ang audit ay hindi lamang palabas kundi magdudulot ng tunay na reporma at pananagutan.
Nagpapasalamat naman si Senate Majority Leader Joel Villanueva na nabigyang pansin ng Pangulo ang paulit-ulit niyang pagtuligsa sa P1.4 bilyon kada araw na budget para sa flood control subalit marami ang naghihirap sa baha.