dzme1530.ph

Pagbuo ng masterplan for Infrastructure Development Program kasama na ang Flood Control Programs, hiniling na iprayoridad ng administrasyon

Nanawagan si Senador JV Ejercito na maisama sa priority bills ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang panukalang pagkakaroon ng masterplan para Infrastructure Development Program ng bansa.

Ipinaliwanag ni Ejercito na batay sa kanyang impormasyon ay inaayos na ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) na maisama ito sa LEDAC priority bills.

Sinabi ng senate deputy majority leader na ang panukalang ito ay naglalayong magkaroon ng komprehensibong plano para sa pagpapatayo at pagdevelop ng mga imprastraktura sa bansa, kasama na ang mga dam, major water infrastructure projects, electricity infrastructure, transportation at iba pa.

Sa pamamagitan anya nito ay magkakaroon ng blueprint ang bansa upang kahit sinong maupo na Pangulo ay may gabay nang dapat sundin para sa infrastructure program.

Iginiit ng senador na rin mahalaga ito sa pagreresolba sa problema sa pagbaha sa bansa.

Kaugnay nito, inirekomenda rin ng mambabatas ang DPWH na gumawa ng masterplan para sa flood control program para sa pag-iimbak ng mga sobrang tubig tuwing tag-ulan at magamit ito sa panahon ng tagtuyot. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author