Kinatigan ni Senate Committee on Public Works Chairman Ramon Bong Revilla Jr., ang hakbang ni Pang. Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na bumuo ng Inter-Agency Committee para mangangasiwa sa mga isyu ng Right-of-Way (ROW) para sa iba’t ibang railway projects.
Alinsunod sa Administrative Order no. 19 ng Pangulo, mandato ng Inter-Agency Committee na pag-aralan at suriin ang mabisang mekanismo upang mapabilis ang proseso ng pag-asikaso ng lupa na kinakailangan para sa implementasyon ng lahat ng mga railway projects.
Layun nito na mapabilis ang mga naantalang proyekto sa railway dahil sa mga isyu ng right of way.
Mandato ng kumite na pangungunahan ng kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na tukuyin ang angkop na mga serbisyo o programa tungkol sa pag-asikaso ng lupa– tulad ng kabuhayan, pagbabalik ng kita, at resettlement.
Bukod dito, may kapangyarihan ang kumite na pagsamahin at patakbuhin ang mga sangay ng gobyerno upang mapabilis ang pagba-budget, pag-uusap at pagresolba ng mga reklamo, at pagbuo ng mga teknikal na grupo ng trabaho.