Suportado ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang panukalang pagbuo ng isang independent commission na sisiyasat sa trilyong pisong halaga ng mga maanomalyang flood control projects.
Iginiit ni Pangilinan ang pangangailangang matiyak ang transparency, accountability, at tamang paggamit ng pondo upang maprotektahan ang mga komunidad laban sa pagbaha.
Partikular na tinukoy ng senador ang Senate Bill 1215 ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III, na nagsusulong ng pagbuo ng Independent People’s Commission upang busisiin ang mga anomalya sa lahat ng government infrastructure projects.
Ayon pa kay Pangilinan, dapat pamunuan ang kumisyon ng mga tulad nina dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, dating DPWH Secretary Rogelio Singson, at Baguio City Mayor Benjie Magalong.
Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta ang senador sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkaroon ng lifestyle check sa lahat ng opisyal ng pamahalaan.
Dagdag pa ni Pangilinan, sa pamamagitan nito’y mabubunyag ang mga opisyal na namumuhay nang sobra-sobra at labis ang garbo na hindi na tugma sa kanilang kinikita.
Binigyang-diin din ng senador na dapat maging vigilante ang mga Pilipino sa pagbabantay sa mga pulitiko at public servants na may tinatawag na extravagant lifestyles.