Iminungkahi ni Senador Win Gatchalian ang pagbuo ng Department of Energy (DOE) ng El Niño Task Force na mangunguna sa pagpupulong sa lahat ng power plants at power utilities para magplano ng contingency measures.
Ito ay kasunod ng pahayag ng DOE na maaaring mapailalim sa yellow alert ang Luzon power grid sa darating na mga buwan dahil sa epekto ng El Niño sa hydroelectric power plants.
Sinabi ni Gatchalian na dapat kabilang sa contingency measures ang Interruptible Load Program (ILP) at kailangang walang maintenance ng planta ng kuryente ngayong summer.
Mareresolba o maiwasan anya ang pagnipis sa supply ng kuryente kung lahat ng power plant ay gumagana in full capacity.
Idinagdag pa ni Gatchalian na dapat may full contract para sa ancillary reserves ang National Grid Corporation of the Philippines dahil solusyon din ito para maiwasan ang blackouts.
Muling iginiit ni Gatchalian na dapat ay matagal ng pinaghandaan ng mga kinauukulang ahensya ang posibleng epekto ng El Niño sa supply ng kuryente.