Inirekomenda ng 2nd Congressional Commission on Education (EDCOM 2) kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng cabinet cluster for education.
Ito ay upang mapagtuunan ng pansin ang lahat ng ahensyang pang-edukasyon sa bansa.
Ang EDCOM 2 na binubuo ng limang senador at limang kongresista ay naataasang mag-aral ng mga sistema sa edukasyon sa gitna ng kinakaharap na learning crisis ng bansa.
Sa sulat kay Pangulong Marcos, ipinaliwanag ng EDCOM2 na maganda ang kasalukuyang setup na mayroong kanya-kanyang pokus ang Department of Education, Commission on Higher Education at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Gayunman, mas maigi anila na isailalim sa isang cabinet cluster ang tatlong ahensya kasama ang Department of Labor and Employment at Department of Budget and Management.
Ito ay upang matiyak na palaging magkakaugnay at nasa iisang direksyon ang mga batas, polisiya, reporma at mga development plan para sa buong sistema ng edukasyon sa gobyerno kasama na rin ang mga non-government stakeholders.