dzme1530.ph

Pagbubulag-bulagan ng mga casino operator sa DPWH funds scam, pinuna ni Sen. Tulfo

Loading

Pinuna ni Senate Committee on Games and Amusement Chairman Erwin Tulfo ang umano’y pagbubulag-bulagan ng mga casino operator na hinayaang isugal ng ilang opisyal ng DPWH Bulacan 1st Engineering District ang daan-daang milyong pisong pondo ng bayan.

Ayon kay Tulfo, imposibleng hindi namonitor ng mga casino ang transaksyon ng tinaguriang BGC Boys at hindi natukoy na mga opisyal sila ng gobyerno.

Giit ng senador, dapat mahigpit ang pagpapatupad ng know your client o KYC policy ng mga casino.

Tanong pa ng senador kung bakit hindi nag-imbestiga ang mga operator kung ano ang trabaho ng mga naturang manlalaro, gayong hindi naman sila kilalang tycoons o bilyonaryo.

Hindi rin aniya itinimbre sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kahit linggo-linggong nagdadala ang grupo ng daan-daang milyong piso sa casino.

Tingin ni Tulfo, mas pinili ng mga operator na manahimik dahil malaki ang kinikita sa BGC Boys.

Kung nagampanan umano ng mga casino ang tungkulin nilang tumulong sa AMLC, maaaring naaresto agad ang grupo at natigil ang kanilang paglustay sa pondo ng bayan.

About The Author