dzme1530.ph

Pagbibigay ng kabuhayan sa mga sumukong rebelde, prayoridad ni PBBM

Prayoridad ng administrasyong Marcos ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga rebeldeng nagbalik-loob sa lipunan, partikular na sa pamamagitan ng repormang pansakahan.

Sa ikalawang ExeCom meeting ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Malakanyang, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapatuloy ng mga aksyon upang mahikayat ang mga rebelde na sumuko at magbalik-loob sa batas.

Iginiit pa ni Marcos na mangyayari lamang ang pagbabago kung may trabaho at kabuhayan ang mga tao, at makakamit ito sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng Agrarian Reform Program at iba pang hakbang upang maibsan ang poverty o kahirapan.

Samantala, sa press briefing sa Palasyo ay inihayag ni National Security Adviser Eduardo Año na sa ilalim ng administrasyong Marcos ay target nilang maibaba sa “irrelevant number” o kakaunting bilang ang mga rebeldeng komunista upang hindi na sila maging banta pa sa kapayapaan at kaayusan. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author