Iginiit ni Senador Raffy Tulfo na dapat pagkalooban ng confidential fund ang Department of Migrant Workers (DMW) upang magamit sa pagtugis sa mga illegal recruiter at mga scammers.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang budget ng DMW, binigyang-diin ni Tulfo na kung ikukumpara ilang ahensya ng gobyerno na nabibigyan ng confidential fund, mas kailangan ng DMW ng naturang pondo dahil marami silang operasyon na dapat gawin.
Binigyang-diin ng senador na maraming mga OFW ang nabibiktima ng mga illegal recruiter, scammers at maging ng mga sindikato ng droga.
Ayon naman sa DMW, humiling sila ng P10-M confidential fund para sa 2024 budget subalit hindi ito pinagbigyan ng Department of Budget and Management.
Samantala, kinuwestyon naman ni Tulfo ang mababang utilization rate ng ahensya para ngayong taon.
Ipinaliwanag naman ng DMW na hanggang noong Hunyo nasa 43% ang kanilang utilization rate subalit hanggang sa pagtatapos ng Agosto ay umakyat na ito sa 77% kaya’t masasabi nilang on track sila sa paggastos ng kanilang pondo.
Ipinaliwanag pa ng ahensya na kasama sa pagkwenta sa utilization rate ay ang Emergency Repatriation Fund ng Overseas Workers Welfare Administration na hindi naman nagagamit kung walang emergency repatriation.
Dahil dito, hiniling ng DMW sa DBM na ihiwalay ang utilization rate para sa ERF. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News