Aminado si Senador JV Ejercito na posibleng political accommodation ang ibang confidential at intelligence fund (CIF) ng ibang ahensya ng gobyerno.
Una nang sinabi ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na para sa taong 2023, nasa 27 hanggang 28 ahensya ng gobyerno ang nabigyan ng CIF.
Sinabi ni Ejercito na taun-taon ay parami nang parami ang mga civilian agencies na humihiling at nabibigyan ng CIF kaya hindi malayong isipin na political accommodation na ito.
Gayunman, wala naman anyang problema kung kayang depensahan ng mga ahensya ng gobyerno ang pangangailangan nila ng CIF.
Muli namang nanindigan si Ejercito na para sa kanya ay dapat ang mga ahensya lamang ng gobyerno na may direktang kinalaman sa national security tulad ng AFP, PNP, NBI, National Security Council ang maging priority sa CIF bukod sa Office of the President.
Subalit dahil sa naglipanang cybercrime sa bansa ay pabor din si Ejercito na mabigyan ng confidential fund ang Department of Information and Communications Technology habang dapat anyang dagdagan pa ang intelligence fund o ang buong pondo ng Philippine Coast Guard para sa pagbibigay seguridad nito sa West Philippine Sea sa gitna ng panghaharas ng China. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News