dzme1530.ph

Pagbebenta ng NFA ng murang bigas, magiging artificial lang

Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na magiging artipisyal lang o hindi totohanan ang magiging pagbaba ng presyo ng bigas kung papayagang maibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na bumili at magbenta ng bigas sa publiko.

Sinabi ni Pimentel na ang ganitong panukala ay magreresulta lamang sa pagbebenta ng NFA sa presyong palugi para lamang palabasin na mura ang bigas at abot-kaya ng publiko.

Subalit itatago lamang dito ang tunay na presyong bigas dahil isasubsidize ng gobyerno o iaabsorb nito ang pagkalugi gaya ng dati.

Iginiit ng senador na kung gusto ng administrasyon ang makatotohanang pagbaba ng presyo ay dapat tugunan ang efficiency at pagpapasigla sa industriya ng palay upang maging makatwiran ang bentahan ng bigas.

Mas makabubuti aniyang limitahan ang NFA sa pagbili ng lokal na palay at pag-iimbak para sa panahon ng kalamidad o emergency.

Nais din ni Pimentel na busisiin ang P9 billion na annual budget ng NFA para sa pagbili ng bigas.

 

About The Author