dzme1530.ph

Pagbasura sa motion at counter-affidavit ni Alice Guo, hiniling sa DOJ

Hiniling ng PNP at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Department of Justice na ibasura ang motion at counter-affidavit na inihain ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kasong human trafficking na isinampa laban sa kanya.

Sa inihaing motion, inihayag ng PNP at PAOCC ang kanilang pagdududa na personal na humarap si Guo sa isang notaryo publiko, sa gitna ng mga ulat na nasa labas na ito ng bansa simula noong July 18.

Nakasaad sa mosyon na hindi naman personal na humarap si Guo sa alinman sa mga miyembro ng panel para magsumite ng kanyang apela, kalakip ang counter-affidavit.

Noong Aug. 16 ay naghain ng mosyon ang pinatalsik na alkalde para muling buksan ang imbestigasyon, at tanggapin ang kanyang counter-affidavit, kung saan hiniling niya sa DOJ na i-dismiss ang kanyang kaso.

Ang naturang dokumento at nai-notaryo noong Aug. 14 sa San Jose Del Monte City sa Bulacan. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author