dzme1530.ph

Pagbalangkas ng batas para social media regulation sa panahon ng eleksyon, inirekomenda

Loading

Inirekomenda ni Comelec Chairman George Garcia na pag-aralan ng Kongreso na magkaroon ng batas na bibigyang kapangyarihan ang poll body na iregulate ang paggamit ng social media sa panahon ng eleksyon.

Sa pagdinig ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zone, sinabi ni Garcia na malaking problema sa ngayon ay ang pagkakalat ng misinformation at disinformation sa social media.

Babala ni Garcia na posibleng lumawak pa ito hanggang sa panahon ng presidential elections sa 2028.

Ipinaliwanag ng opisyal na sa panahon ng eleksyon ay may kapangyarihan sila na iregulate ang paggastos ng gobyerno, ang social services, ang public works at iba pang hakbangin subalit sa social media ay tila palagi silang nakikiusap.

Kasabay nito, kinumpirma ni Garcia na tinatarget na rin sila ng ilang troll farms upang sirain ang kredibilidad ng isasagawang halalan sa May 12.

Lumilitaw aniya na ang operasyon ay upang ikondisyon ang utak ng netizens na may kwestyon sa kredibilidad ng isasagawang halalan.

Katunayan kanina lamang aniya ay may inilabas sa social media na hindi matutuloy ang eleksyon sa May 12 dahil sa matinding init ng panahon at iuurong ito sa May 10.

Sa tuwing may lumalabas aniyang post kaugnay sa paninira sa Comelec wala pang 30 minuto ay makikitang mayroon na itong mahigit 700,000 views at 32,000 comments na napakaimposible kung hindi gagamit ng bots.

Muli ring binigyang-diin ni Garcia na gitna ng pagkakaaresto sa isang sinasabing Chinese spy malapit sa Comelec premises, walang nacompromise na datos mula sa poll body kaugnay sa eleksyon dahil wala sa kanilang main office ang mga datos para sa halalan.

About The Author