Hiniling ni Senador Grace Poe sa kaukulang kumite sa Senado na imbestigahan ang matinding pagbaha sa North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng San Simon, Pampanga.
Sa kanyang Senate Resolution 725, nais ni Poe na mabusisi ang pagbaha sa NLEX matapos ang bagyong Egay at habagat.
Target ng pagsisiyasat na bumalangkas ng mga hakbangin upang hindi na maulit ang kaparehong insidente at kung may pagsisikap na isinagawa para sa operation at maintenance ng Expressway upang sana’y naiwasan ang pagbaha at abala sa mga motorista.
Tinukoy sa resolusyon ang parehong Northbound at Southbound ng NLEX sa may San Simon sa Pampanga partikular sa Tulaoc Bridge na lubog sa baha na nasa 50 sentimetro ang taas at umabot ang lawak ng traffic ng hanggang anim na kilometro.
Bubusisiin sa pagsisiyasat ang dahilan ng pagbaha matapos ihayag ng Metro Pacific Tollway Corp. na ito ay bunsod ng pag-apaw ng Pampanga River.
Iginiit pa sa resolusyon na hindi dapat maliitin ang insidenteng ito dahil aabot sa 350,000 na daily average ng mga motorista ang naapektuhan ng pagbaha. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News