dzme1530.ph

Pagbabawas sa ‘workload’ ng mga guro, suportado ni Cong. Nograles

Pinuri ni Rizal Cong. Fidel Nograles ang Department of Education (DepEd), sa hakbang nitong bawasan ang ‘workload’ ng mga guro sa public schools.

Ayon kay Nograles, Chairman ng Committee on Labor and Employment, magandang regalo ito lalo pa at ang buong buwan ng Setyembre ay National Teachers’ Month.

Sa derektiba ni Education Secretary Sara Duterte-Carpio, binibigyan na ng 30-day break ang mga guro matapos ang school year o calendar, habang ibinaba sa 11 mula sa 56 ang administrative tasks.

Umaasa si Nograles na ipagpapatuloy ng DepEd ang pagsusulong ng mga hakbangin para sa kapakanan ng guro, lalo na ang pagbabawas sa kanilang pasang responsabilidad.

Bukod sa 30-day break at pagbabawas ng workload, ilulunsad na rin ng DepEd ang website na mag-a-assist sa mga guro na magkakaproblema sa financial loan contract o loan shark.

Kasabay nito hinimok na rin ng kongresista ang ilang lawyers’ groups na magkaloob ng financial education at legal assistance sa mga guro na nabibiktima ng loan sharks. –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author