Nagpahiwatig si Senate President Francis Escudero sa posibilidad na katigan ng Senado ang ginawang pagbabawas ng Kamara sa panukalang pondo ng Office of the Vice President para sa susunod na taon.
Sinabi ni Escudero na ayaw niyang pangunahan ang desisyon ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe subalit sa ikinikilos aniya ni Vice President Sara Duterte ay tila wala naman itong balak na ipagtanggol ang hinihingi niyang pondo.
Nagpahiwatig din ang senate leader na may katwiran ang mga kongresista na mailipat na lamang sa Department of Social Welfare and Development at Department of Health ang hinihinging pondo ng OVP na ilalaan din sa pagbibigay ng ayuda.
Kinuwestyon din ni Escudero ang pahayag ng Bise Presidente na tinatanggihan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga inirerefer nilang humihingi ng ayuda.
Tanong ng senate leader kung kailan ito nangyari dahil sa pagkakaalam niya sa ilalim ng 2024 budget ay mayroon ding nakalaang pondo ang OVP para rito.